
MALACAÑAN – UMAASA ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na magpapalabas na anumag oras ng warrant of arrest ang Misamis Occidental Regional Trial Court laban sa tatlong suspek sa pagpaslang kay Juan “DJ Johnny” Jumalon noong November 5, 2023.
Sa pinaka-huling update sa kaso mula kay SITG ground commander at Misamis Occidental Provincial Police director P/Col. Dwight Montano, sinabi ni PTFoMS executive director Usec. Paul M. Gutierrez na inaprubahan na ni Provincial Prosecutor Dickie B. Gongob ang pagsasampa ng kasong murder at theft sa Misamis Occidental RTC matapos makakita ng matibay na basehan upang ma-convict ang mga suspek sa oras na magsimula ang paglilitis.
Ilan araw matapos ang insidente, binuo ang SITG ng PNP na kaagad natukoy ang mga salarin at isinampa ang reklamo sa piskalya, ayon pa kay Gutierrez.
Ngunit, nagpalabas ng direktiba si Department of Justice (DOJ) Secfretary Jesus Crispin Remulla noong Marso 2023 na inatasan ang lahat ng piskal na makipag-ugnayan nang mabuti sa mga imbestigador sa lahat ng kasong kriminal upang masiguro na matibay ang mga kaso na isasampa sa laban sa lahat ng suspek at matiyak na makakamit ang hustisya.
“There is a reason for the delay in the filing of the cases but as this has been hurdled already, we are confident that justice would be soon served to Jumalon and his family,” the PTFoMS chief said.
Samantala, inihayag din ni Gutierrez na upang mas mapalakas ang pagtugis sa mga suspek ay nakapag-imprenta ng may 70,000 piraso ng wanted flyers ng mga suspek sa tulong ng Apo Production Unit, kung saan 40,000 piraso nito ay ipinadala sa tanggapan ni Monato sa Oroquieta City para sa pagpapakalat sa Misamnis Occidental at mga karatig na lugar.
Aniya, tutulong din ang Philippine Ports Authority (PPA) sa pagpapakalat ng mga wanted flyers ng natitirang 30,000 piraso, kung saan ikakalat nila ito sa mga pantalan sa buong bansa partikular sa Mindanao.
Muli naman tinukoy ni Gutierrez ang mga suspek na sina alyas “Ricky,” Inteng” at “Boboy.” Lahat sila ay sasampahan ng kasong murder, habang karagdagang kasong theft kay Ricky. Tiniyak pa ni Gutierrez na ihahayag ang buong pagkatao ng tatlo sa oras na magpalabas ng warrant of arrest ang korte.
Si Jumalon, 57, na siya ring may-ari at anchor ng Gold 94.7 FM sa bayan ng Calamba, ay kasalukuyang noong nagsasagawa ng live streaming broadcast bandang ala-5 ng umaga nang pasukin ng mga salarin sa kanilang compound kung saan naroon din ang radio station. Agad lumapit si Alyas Ricky kay Jumalon at binaril ito nang malapitan gamit ang kalibre .45 pistol at kinuha pa ang gold necklace ng biktima bago tumakas kasama ang 2 iba pa sakay ng motorsiklo.
Nakunan ng camera ang madugong pamamslang na umani ng pagkondena, kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad nag-utos sa mga awtoridad at sa PTFoMS na huwag titigil hangga’t hiondi nahuhuli ang mga salarin.
Inilahad pa ni Gutierrez na sa pagsasampa sa korte ay inaprubahan din ni Gongob ang rekomendasyon ni attending prosecutor Mark Jerome Labad na ibasura ang “alibi” nina Inteng at Boboy para huwag madawit sa krimen.
Positibong kinilala ang mga suspek ng mga saksi kung saan tinukoy din ng intelligence community si alias Ricky na dating kasapi ng komunistang New People’s Army (NPA). Nabatid pa na may iba pang warrant of arrest laban alyas Ricky para sa mga kasong murder, frustrated murder at kasong may kinalaman sa iligal na droga.