INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 77-taong-gulang na Canadian national na wanted sa kasong child sex abuse.
Inihayag ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang naarestong si Rudolf Hannes Hofer, na dinakip ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa San Carlos City, Pangasinan noong Hunyo 9.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng mga pwersa ng paniktik ng gobyerno at ng San Carlos City Police Station kasunod ng impormasyong natanggap at na-verify sa pamamagitan ng mga awtoridad ng Canada.
Base sa rekord, si Hofer ay may dalawang warrant na inisyu sa British Columbia, Canada sa child sex abuse at breach of undertaking . Lumalabas din sa imbestigasyon na siya ay overstaying na sa bansa.
Ang Canadian national ay kasalukuyang nakakulong sa Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay na ma-proseso ang kanyang deportasyon.
