NASAGIP ang isang 78-anyos na negosyanteng South Korean na kinidnap nitong Sabado sa Mabalacat City, Pampanga.
Sa imbestigasyon ng pulisya , sapilitang kinuha ang biktima noong Pebrero 9 ng grupo ng 10 hanggang 20 lalaki mula sa kanyang tahanan sa Topacio Road sa Clark Freeport sa Mabalacat City.
Nakapasok ang grupo ng mga di nakikilalalang lalaki sa loob ng bahay ng negosyante at nagpakilalang mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) at National Bureau of Investigation (NBI) nang ipinakita ng mga suspek sa matandang negosyante ang warrant of arrest.
Nanatili ang grupo ng isa’t kalahating oras sa bahay bago isinama ang biktima.
Ayon sa kinakapatid na anak ng biktima, humingi ang mga kidnaper ng P20 milyon kapalit ang paglaya ng negosyante.
Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang mga ahente ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) kasama ang mga tauhan ng Police Regional Office 3 sa pamumuno ni Brig. Gen. Jean Fajardo, Pampanga police Col. Jay Dimaandal, NBI at BI operatives na siyang nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng Korean Embassy na pinamumunuan ni Consul General Seung Man Sang para sa rescue operation.
Matapos ang limang araw ng tuluy-tuloy na follow-up operations at serye ng negosasyon sa isang alyas na “James,” dakong alas-12:05 ng madaling araw ng Sabado, pinalaya ang biktima sa CSM Airport Hotel Compound sa Clark Freeport Zone sa Mabalacat City.
Sinabi ng biktima sa mga awtoridad na ibinaba siya sa loob ng compound ng Airport Hotel. Aniya, tumakas ang kidnapper sakay ng isang itim na sedan na kotse.
Agad namang tinulungan ng isang team mula sa PNP-AKG ang negosyante.
