WALONG undocumented foreign nationals ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa nahuling nagmimina sa mining site sa Sitio Dimakawal, Barangay Bukal Norte, Dinapigue, Isabela nitong Setyembre 23.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na pitong Chinese at isang Taiwanese national ang nahuli sa isinagawang operasyon Ang mga dayuhan ay inaresto dahil sa mga paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940 dahil sa pagtatrabaho nang walang permit o visa, dahil sa pagiging undocumented, at sa paggawa sa labas ng kanilang petitioning company.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. na nag-ugat sa mga ulat ng paniktik na ang mga dayuhan ay nakikibahagi sa pagmimina ng tanso at ginto sa lugar.
Agad na ikinasa ang operasyon katuwang ang BI Intelligence Division (ID) Regional Intelligence Operations Units (RIOU) sa Cordillera Administrative Region, Regions 2 at 3, at BI-ID Main Office, sa koordinasyon ng Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation–Isabela District Office, Philippine Navy, Philippine Army, Dinapigue Isabela Police Station, at government intelligence forces .
Ang pag-aresto ay kasunod ng isang pagsalakay kamakailan ng BI sa isa pang mining site sa Masbate, kung saan 9 na ilegal na manggagawang Tsino ang napag-alamang nagsasagawa ng mga aktibidad sa pagmimina.
Ang walong dayuhan ay inilipat sa Maynila para sa booking, at kalaunan ay dinala sa BI’s detention facility sa Taguig, kung saan sila ay mananatili sa panahon ng deportation proceedings.
