SUGATAN ang walongpung (80) katao noong Biyernes makaraang mangyari ang kaguluhan sa loob ng isang detention center sa San Mateo, Rizal.
Ayon kay Jail Chief Insp. Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), kabilang sa mga nasaktan ay 60 na mga persons deprived of liberty (PDLs) at 20 na miyembro ng BJMP.
Sinabi ni Bustinera na ang 80 ay nagkaroon ng mga minor injuries.
Bago ang kaguluhan, sinabi niya na pitong PDLs ang nagsimula ng isang noise barrage sa loob ng bilangguan.
Ang mga bilanggo ay pinaghinalaang tumututol sa cashless system sa jail facility.
Hinarangan ng mga PDL ang pagpasok ng pagkain at nagsimulang sirain ang mga pasilidad.
Pinilit ng mga jail officer na pigilan ang mga bilanggo hanggang sa sumiklab ang kaguluhan.
Nagtulong-tulong ang mga tauhan ng BJMP, kasama ang mga miyembro ng Philippine National Police at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office-San Mateo upang matigil ang tensyon.
Hinimok ni Bustinera ang mga PDL na huwag maniwala sa mga pekeng balita.
Sinabi ng jail official na ang mga nasugatan ay agad na binigyan ng medikal na atensyon at ngayon ay nagpapagaling na.
