UMABOT na sa 29 ang nasawi at 19 ang nasugatan sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis at Maymay at ng Habagat, batay sa pinakahuling datos ng pamahalaan.
Samantala, 88 lokal na pamahalaan na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa lawak ng pinsalang dulot ng sama ng panahon.
Pinakamataas ang bilang ng nasawi sa Benguet, na may 15 katao. Sampu rito ay mula sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at tatlo sa Atok. Karamihan sa mga insidente ay dulot ng pagguho ng lupa.
Apat naman ang nasawi sa Rizal. Dalawa ang tinamaan ng rockslide sa Rodriguez, isa ang nasawi matapos matamaan ng bumagsak na puno sa Antipolo at isa ang nalunod sa Binangonan.
Apat din ang namatay sa Batangas, kabilang ang dalawang nalunod, isang nakuryente at isang nasawi sa landslide.
Dalawa ang nasawi dahil sa pagkalunod sa Caloocan City, habang tig-iisang fatality naman ang naitala sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro at Negros Occidental.
Sa 19 nasugatan, 12 ang mula sa Benguet—walo sa Baguio, dalawa sa La Trinidad, isa sa Atok at isa sa Buguias. May mga sugatan din sa Ilocos Sur, Abra, Quezon City, Rizal at Cavite.
Tatlo naman ang patuloy na itinuturing na nawawala sa Quezon, Maynila at Batangas City. Kapwa pagkalunod ang iniugnay sa pagkawala ng mga residente sa Quezon at Maynila.
6.6 milyon apektado
Samantala, pumalo na sa 6,620,335 katao o 1,905,622 pamilya ang naapektuhan ng sama-samang epekto ng mga bagyo at Habagat sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang Regions I, II, III, V, VI, VIII at IX, CAR, CALABARZON, NCR at MIMAROPA.
May 701 evacuation center na na-activate, kung saan 15,523 pamilya o 52,543 indibidwal ang kasalukuyang nakasilong.
Umabot naman sa 2,110 bahay ang napinsala—1,884 ang bahagyang nasira habang 226 ang tuluyang nawasak.
Tinatayang P4.88 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura, habang nasa P1.73 bilyon naman ang pinsala sa agrikultura.
Samantala, mahigit P1.02 bilyon na halaga ng ayuda ang naipamahagi ng pamahalaan at iba pang responders sa mga komunidad na tinamaan ng kalamidad.
Patuloy ang damage assessment at iba pang rescue, relief at recovery operations habang tinutugunan ng mga awtoridad ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Kabilang sa mga nagdeklara ng state of calamity ang Dagupan City, apat na bayan sa Pangasinan, at buong lalawigan ng Bataan, Bulacan, Pampanga at Cavite, gayundin ang ilang bayan sa Zambales, Rizal at Batangas.
