ISANG taong gulang na sanggol ang nasawi matapos malunod sa baha sa Barangay Santa Monica, San Simon, Pampanga, noong gabi ng Agosto 16 habang patuloy ang malakas na pag-ulan dulot ng pinagsamang epekto ng mga bagyo at habagat.
Ayon sa pamilya, hindi nila napansin na nakalabas ng kanilang bahay ang bata habang malakas ang buhos ng ulan. Nang matuklasang nawawala ang kanilang bunsong anak, agad nila itong hinanap hanggang sa matagpuan na nakalubog sa baha.
Sinubukan pang isalba ang bata ngunit hindi na ito nakaligtas.
Ayon sa ina, nakasuot ng diaper ang sanggol nang mangyari ang insidente. Hinala ng mga magulang, maaaring napuno ito ng tubig at bumigat, na posibleng nakaapekto sa kakayahan ng bata na lumutang.
“Hindi po namin talaga inaasahan na mangyayari iyon sa bata,” pahayag ng ina.
Naganap ang insidente habang nakararanas ng tuloy-tuloy na pag-ulan ang ilang bahagi ng Pampanga na nagdulot ng pagtaas ng tubig at pagbaha sa mga komunidad.
Dahil dito, muling nanawagan ang mga awtoridad sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak at huwag silang hayaang lumapit sa baha, partikular sa mga lugar na hindi tiyak ang lalim, mga kanal at bahaging maaaring magkaroon ng malakas na agos.
Pinayuhan din ang mga residente na maging mapagmatyag sa mabilis na pagtaas ng tubig at agad na lumikas kung kinakailangan upang maiwasan ang karagdagang insidente.
