NASAWI ang isang 50-anyos na lalaki matapos masalpok ng pampasaherong bus habang tumatawid sa national highway sa Barangay Lunocan, Manolo Fortich, Bukidnon, madaling araw nitong Sabado.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Roy,” residente ng Barangay Inutlanan, Claveria, Misamis Oriental.
Batay sa imbestigasyon ng Manolo Fortich Municipal Police Station (MPS), naganap ang aksidente dakong alas-1:10 ng madaling araw habang bumibiyahe ang bus mula Cagayan de Oro City patungong Malaybalay City.
Ayon sa paunang ulat, bigla umanong tumawid ang biktima sa isang madilim na bahagi ng highway at nasalpok ng paparating na bus.
Sinabi ng 46-anyos na driver na mabagal ang takbo ng kanyang minamanehong sasakyan, subalit hindi na niya naiwasan ang lalaki dahil sa biglaang pagtawid nito.
Nabatid din na pinaghihinalaang nakainom ng alak ang biktima bago naganap ang insidente.
Agad na isinugod ang lalaki sa Bukidnon Provincial Hospital sa Barangay San Miguel, subalit idineklara siyang dead on arrival dahil sa matinding pinsala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Samantala, napinsala rin ang harapang bahagi ng bus dahil sa lakas ng pagkakabangga.
Nasa kustodiya na ng Manolo Fortich Police ang driver at ang bus habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari.
Muling nagpaalala ang pulisya sa mga pedestrian at motorista na maging maingat at mapagmatyag, partikular sa mga highway na madilim at matao, upang maiwasan ang kahalintulad na aksidente.
