NAGSASAGAWA ng ocular visit ngayong araw si Sen. Idol Raffy Tulfo sa pinakaunang “engineered sanitary landfill” at pinakamalaking waste management system sa Pilipinas. Pinatatakbo ito ng Metro Clark Waste Management Corporation (MCWMC) sa Capas, Tarlac.
Mainit na tinanggap si Sen. Idol na Chairperson ng Senate Committee on Energy nina MCWMC Founding Director at Chairman of the Board Holger Holz at Rufo Colayco na siya ring Head of Management Committee, kasama ng iba pang miyembro ng board of directors.
Pinuri ni Sen. Tulfo ang maayos na pamamahala sa nasabing pasilidad lalo na nang kanyang malaman na tinatayang nasa 5,000 toneladang basura kada araw mula Central Luzon at ibang mga lalawigan gaya ng Pampanga, Zambales at Bataan ang pinoproseso nito. Liban pa dito ang mga industrial waste na ipinapadala mula sa Cavite at Batangas.
Itinayo ang 100-ektaryang pasilidad noong 2002 sa bisa ng service contracting mula sa Clark Development Corporation (CDC).
Ang MCWMC ang nag-iisang pasilidad sa bansa na compliant sa RA 9003 o ang Solid Waste Management Act at ito ay plano nang gawin WTE facility sa mga susunod na taon.
Kaya naman diniscuss agad ni Sen. Idol ang kanyang Waste to Energy Bill sa top executive members ng naturang kumpanya kung saan ipinahayag naman din nila ang kanilang buong pagsuporta sa nasabing panukala.
Tinalakay rin ng magkabilang panig ang kritikal na papel ng mga WTE facility dahil makakatulong ito na mapahaba ang lifespan ng mga landfill ng higit sa tatlumpung taon. Ayon sa mga opisyal ng MCWMC, kung wala ito, mapipilitang gumamit ng mga lupang sana’y laan sa agrikultura o pang-komersiyo para lamang matugunan ang waste management sa bansa.
Nabanggit din ni Sen. Tulfo sa MCWMC officials ang concern ng ibang mga tao sa WTE Bill at baka kulangin ang feedstock o basura na ilalagay sa mga posibleng WTE facilities sa bansa.
Sagot naman ni Colayco, hinding-hindi mababawasan ang supply ng basura bagkus pataas pa nga ng pataas ang numero nito kasabay ng paglaki ng populasyon ng mga Pilipino.
Binigyang diin ni Sen. Idol na magiging solidong pundasyon ng kanyang legislative team ang mga obserbasyon at opinyon na kanilang nakalap sa ocular visit para tuluyan niyang makumbinsi ang kapwa niya mambabatas na maipasa agad sa lalong madaling panahon ang Waste to Energy Bill.
Sa kabilang banda, nakatakdang bumisita si Sen. Idol sa isang WTE facility kasama ang kanyang legislative team sa Singpore sa susunod na linggo.
