TATAAS ang kontribusyon ng premium ng kanilang mga miyembro mula apat na porsyento hanggang limang porsyento ngayong taon , ayon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ang pagtaas na ito ay alinsunod sa Universal Health Care (UHC) law, ayon kay PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma, Jr.
“Kailangan natin ng pondo para matugunan ang ating mga nasimulang magagandang pagbabago sa mga benepisyo ng PhilHealth,” aniya sa isang press conference noong Biyernes.
Sinabi niyang ang maaapektuhan ng limang porsiyentong rate adjustment na nagsimula na ngayong buwan ay ang kanilang mga direktang miyembro na kumikita ng mula P10,000 hanggang P100,000.
Gayunman, sinabi ni Ledesma na bukas pa rin sila sa posibleng suspensiyon ng pagtataas sa singil sa kontribusyon.
“If ever there is a directive or instruction from Malacañang, we will comply, but as of today, there is none,” paliwanag niya.
Ani Ledesma, sakaling mag-isyu ng suspension order ang Malacañang ay agad silang tatalima rito.
Nagbabala naman ang PhilHealth official sa magiging kahihinatnan sakaling suspendihin ang pagtaas sa singil sa PhilHealth premium rate.
“If this will be suspended by the President, that would mean minus P17 billion from PhilHealth’s fund for the year,” babala ni Ledesma.