MAKUKULONG at paparusahan ng perpetual disqualification ang sinomang opisyal ng pamahalaan ang mapapatunayang namimili sa pagbibigay ng tulong sa kanilang mga nasasakupan .
Inihain sa kamara ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo nitong Huwebes ang house bill na “An Act Penalizing Selective, Discretionary, and Discriminatory Acts in the Delivery of Cash, Livelihood, or Relief Assistance Programs of Local Government Units (LGUs)” na siyang magpapataw ng parusang pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon at perpetual disqualification sa mga public official.
Aniya, “Lagi nating naririnig ang problema na namimili si government official ng bibigyan niya ng ayuda mula sa gobyerno tuwing may kalamidad, pero wala namang nangyayari sa reklamo dahil walang napaparusahan dahil walang batas laban dito,” sabi ni Tulfo.
Ayon kay Tulfo may mga pagkakataon na pinipili at inuuna ng mga lokal na opisyal ng gobyerno ang mga tatanggap ng mga programa ng tulong batay sa personal na konsiderasyon.
“Usong-uso ito sa ating bayan na pinipili lang ni opisyal ang bibigyan ng ayuda dahil hindi niya ito supporter,” ani Tulfo.
“Dapat ang ayuda ay walang pinipiling kulay. Dapat kahit anong partido ka, mapa- pula, berde, dilaw, pink, puti, it does not matter,” dagdag pa ng mambabatas.
