NADAKIP ang isang Chinese national makaraang ihain ng Highway Patrol Group ang warrant of arrest kaugnay umano sa pag-carnap ng isang sasakyan sa Pasay City.
Sa pangunguna ni PCol Rommel C Estolano , Regional Chief RHPU4A matagumpay na isinagawa ng Regional Highway Patrol Unit 4A ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto kay Zhang Tingbao na isang Chinese national na naninirahan sa 2262 Delas Alas St., Brgy. 64, Pasay City.
Isinagawa ang operasyon ang mga tauhan ng PHPT Batangas kabilang ang mga Barangay officials ng Pasay City matapos ipatupad ang warrant of arrest kay Tingbao na inisyu ni Hon.Maria Concepcion Serrano Altea , Presiding Judge ng RTC Branch 12 ng Lipa City noong Setyembre 30 , 2024 na may inirekomendang Php 120,000.00 piyansa.
Arestado si Tingbao sa kasong paglabag sa P.D. 1612 kasama ang HPG Hold Order No. 20221005 at Blotter Entry No. 2024-38 na may petsang Oktubre 15, 2024.
Ang akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Batangas PPO Custodial Facility habang inihahanda ang mga dokumento bago ibalik sa kanyang court of origin.
Ang tagumpay ng RHPU4A ay resulta ng pinalakas na Anti-Carnapping Operations ng Highway Patrol Group sa ilalim ng pamumuno ni PBGen William M. Segun , kasabay ng agresibong kampanya ng CPNP laban sa carnapping, highway robbery, at iba pang anyo ng kriminalidad sa kahabaan ng highway.
