TATLONG kabataan, kabilang ang isang 15-anyos na binatilyo, ang nasawi matapos pagbabarilin ng isang miyembro ng Task Force Disiplina sa Senatorial Road, Barangay Batasan Hills, Quezon City, madaling araw nitong Lunes, Oktubre 12.
Patay ang mga biktimang edad 15, 18 at 19, habang arestado naman ang 32-anyos na suspek na kinilala sa alyas na “Dennis.”
Ayon kay Police Lt. Col. Gemmer Tubiera, hepe ng Batasan Police Station, bumibili umano ng pagkain ang mga biktima nang makasalubong nila ang suspek na galing sa inuman.
Sinita umano ng suspek ang grupo dahil dis-oras na ng gabi ngunit nasa labas pa rin ang mga kabataan. Nang hindi sila umanong pumansin sa pagsita, nauwi ito sa tensiyon bago ang pamamaril.
Sa salaysay ng nakaligtas na 19-anyos na testigo, una silang nilapitan ng suspek ngunit nagpatuloy na lamang sila sa paglalakad nang hindi ito pinansin.
Gayunman, sinundan umano sila ng suspek at biglang bumunot ng baril saka nagpaputok, dahilan upang magtakbuhan ang magkakaibigan.
Bumalik pa umano ang suspek sa lugar kung saan siya nag-iinuman, ngunit muli silang nagkita sa di-kalayuan. Dito umano muling nilapitan at inikutan ng suspek ang grupo bago muling pinaputukan.
Batay sa imbestigasyon, tig-iisang tama ng bala ang tinamo ng tatlong biktima—sa tagiliran, dibdib at ulo.
Hinala ng pulisya, posibleng nag-ugat sa pagkapikon at kalasingan ng suspek ang krimen.
“Yun lamang po ang talagang motibo dahil nga lango sa alak ay nagawa niya yung krimen,” ayon kay Tubiera.
Samantala, sinabi ng ama ng 15-anyos na biktima na inutusan lamang niya ang anak na bumili ng gamot nang mangyari ang pamamaril. Nagkataon umanong nagkita ang binatilyo at mga kaibigan nito sa isang tindahan upang kumain at bumili ng softdrinks.
Laking gulat na lamang umano ng pamilya nang makitang nakahandusay sa kalsada ang binatilyo. Dahil dito, nanawagan ang ama ng katarungan para sa kaniyang anak.
Narekober naman ng mga awtoridad mula sa suspek ang umano’y ginamit na baril at isang motorsiklo. Sa pahayag nito, sinabi niyang wala siyang pinagsisisihan sa nangyari at hinayaan na lamang ang hukuman na magpasya sa kaniyang pananagutan.
Nahaharap ang suspek sa tatlong bilang ng kasong murder kaugnay ng pagkamatay ng mga biktima.
