LABING- APAT na Pilipino habang anim na Koreano ang naaresto ng mga awtoridad makaraang matuklasan ang umano’y ilegal na Philippine offshore gaming operator (POGO) at nagpapatakbo ng scam sa Pasay City.
Sa bisa ng Mission order ipinatupad ng Bureau of Immigration (BI) nitong Martes ang pagsalakay sa isang opisina na matatagpuan sa basement ng isang hotel sa Pasay City .
Batay sa intelligence ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang opisina ay nagpapatakbo umano ng POGO at scam operations.
Sinabi ng tagapagsalita ng PAOCC na si Winston Casio, “Matagal na kaming nakakarinig ng mga Korean POGO ngunit ito ang unang pagkakataon na nakakuha kami ng mga aktwal na Koreano na nagpapatakbo ng mga operasyon sa offshore gaming operation”.
“Papakagatin ka nila, papatayin ka nila, mananalo ka. Pagkatapos ay patuloy kang naglo-load ng hanggang ?200,000. Kapag ?200,000 na ‘yung bet money mo bigla kang ika-cut so may scamming, may betting,” dagdag pa nito.
Nasamsam sa operasyon ng mga awtoridad ang mga kompyuter, maliliit na gadgets na bumubuo ng one-time passwords (OTP).
“Ito yung nagpo-produce ng OTP. Dito naka-store yun. Ngayon, ‘yung mga transaction nila dito naka-save kaya kailangan nila ito every time na magbubukas sila ng computer,” sabi ni PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz.
Mahaharap ang mga Korean national ng mga paglabag sa immigration habang ang mga Pilipino ay sasailalim naman sa imbestigasyon.
