Camp General Miguel C. Malvar, Batangas City —NAILIGTAS ng mga awtoridad ang isang 26-anyos na babaeng cashier sa kamay ng nang- hostage na lalaki sa loob ng SM Lipa, Brgy. Marawoy, Lipa City, Batangas kahapon , Pebrero 18, 2025.
Tinukoy ng mga awtoridad ang suspek na si Alyas Alvin, 28 anyos, na isang mananahi na tubong Ragay, Camarines Sur at kasalukuyang residente ng Brgy. Dagatan, San Jose, Batangas.
Base sa ulat kay Police Col Jacinto Malinao , Acting Provincial Director ng Batangas PPO, isang concerned citizen ang tumawag sa mga awtoridad kung saan ay isang cashier ang biglang dinakma at na – hostage ng isang lalaki sa Asianic Gadget Store kung saan ay hinawakan sa braso habang nakatutok ang matulis na bagay sa biktima.
Agad namang rumesponde si PLt. Col Rix Villareal, Chief of Police ng Lipa Component City kabilang ang mga kasamahang pulis at nakipagnegosasyon sa nangyayaring hostage-taking sa SM Lipa, Batangas.
Matapos ang ilang oras na komunikasyon , mapayapang nalutas ang sitwasyon, at agad na nabawi ang matulis na bagay na pinangtutok sa biktima.
Batay sa panayam sa asawa ng suspek sa pamamagitan ng FB messenger , nauna nang nakulong suspek dahil sa paggamit ng illegal na droga .
Nagtamo ng sugat sa kanang kamay si Villareal habang agad na binigyan ng paunang lunas ng rescue team ng Lipa CDRRMO at mabilis na itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan.
Habang ang naarestong suspek ay dinala sa Lipa Component City Police Station at nahaharap sa Serious Illegal Detention at Paglabag sa Omnibus Election Code (Possession of Deadly Weapon).
