NAILIGTAS ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Filipina na itinuturing na posibleng biktima ng human trafficking kaugnay ng umano’y surrogacy scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Setyembre 15.
Ayon sa BI, unang idineklara ng pasahero, na tinukoy sa pangalang “Marlyn” para maprotektahan ang kanyang pagkakakilanlan, na tutungo siya sa Thailand para sa pitong araw na bakasyon.
Gayunman, dahil sa ilang hindi nagtugmang pahayag nito sa immigration officer, isinailalim siya sa secondary inspection ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI.
Sa karagdagang pagsusuri, sinabi ni Marlyn na ang tunay niyang destinasyon ay Georgia, kung saan makikipagkita umano siya sa isang Chinese national na tinukoy bilang “Luca.”
Ayon sa kanyang salaysay, nakilala lamang niya si Luca sa pamamagitan ng WhatsApp matapos siyang ipakilala rito ng isang Filipina na tinukoy naman bilang “Aubrey.”
Isiniwalat din ng pasahero na inalok umano siya ng isang surrogacy arrangement na magbibigay sa kanya ng US$400 kada buwan habang nagbubuntis, bukod pa sa US$600 na matatanggap matapos manganak.
Narekober din ng mga tauhan ng I-PROBES ang Georgia e-visa at itinerary na nagpapakitang mula Bangkok ay bibiyahe pa siya patungong Georgia sa pamamagitan ng Shanghai, China.
Dahil sa mga impormasyong ito, lalo umanong kinuwestiyon ng mga immigration officer ang tunay na layunin ng kanyang paglalakbay.
Kalaunan, isinangguni at itinurn-over si Marlyn sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang assessment, imbestigasyon at nararapat na aksiyon.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang mga immigration personnel sa NAIA dahil sa kanilang pagiging mapagmatyag at mabilis na pagtukoy sa mga hindi tugmang pahayag ng pasahero.
Ayon kay Viado, ipinapakita ng insidente na mahalaga ang mahigpit na pagbabantay sa mga paliparan upang maiwasan ang pagsasamantala at trafficking sa mga Filipino.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng koordinasyon ng mga ahensiyang kabilang sa IACAT sa pagtukoy sa mga posibleng biktima, pagpigil sa mga trafficking scheme at pagtiyak na makatatanggap ng kaukulang proteksiyon at tulong ang mga nasa panganib.
Muling tiniyak ng BI ang pagpapatibay ng border security at pagpapalakas ng mga hakbang laban sa human trafficking, illegal recruitment at iba pang uri ng pagsasamantala sa pamamagitan ng mas mahigpit na passenger screening at koordinasyon sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.
