NATIMBOG ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR), ang isang Chinese national at kanyang Filipino interpreter sa Brgy. Carmona, Makati City.
Sa pangangasiwa ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago (Ret.)natukoy ang mga suspek na sina Sun Guyoung at Tony Perez Go , noong Pebrero 3-4, 2025 nang nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib pwersa ng NCR Agents, kasama ang NBI-Digital Forensic Laboratory (DFL) at NBI-Technical Intelligence Division (TID) upang ipatupad ang mga Warrants to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) sa apat (4) na cluster o workstation na matatagpuan sa 8th Floor ng Brgy. Carmona, Makati City.
Nadiskubre ang mga Customer Service Representative (CSR) sa kani-kanilang mga workstation na nakikipag-chat sa kanilang mga prospective na “manliligaw” o biktima.
Ang mga CSR ay inutusang sundin ang isang script bilang pamamaraan na ibinigay nina Guyoung at Go na dapat magtatag ng relasyon sa kanilang mga biktima.
Pagkatapos ay hihikayatin sila na mamuhunan sa cryptocurrency exchange at kung sumang-ayon ang mga biktima, ipapasa ng mga CSR ang profile ng mga biktima sa alinman sa kanilang mga Chinese manager o sa isa pang grupo na matatagpuan sa Cambodia.
Ayon sa mga CSR, bawat isa sa kanila ay binigyan ng mga script na dapat mahigpit na sundin. Kung lumihis sila mula sa script, may kaukulang mga parusa tulad ng pagbabawas sa suweldo at pang-aabuso.
Kinumpirma naman ng mga Filipino CSR, model, at empleyado ang mga aktibidad na love scam ang kanilang kinasasangkutan.
Mahaharapa ang dalawang suspek sa paglabag sa paggawa ng Computer-Related Forgery na may parusa sa ilalim ng Sec. 4(b)(1) na Misuse of Devices na mapaparusahan sa ilalim ng Sec. 5, pareho ng Rep. Act No. 10175 o kilala bilang Cyber Crime Prevention Act of 2012; paglabag sa R.A. No. 12010 Anti-Financial Account Scamming Law; at paglabag sa R.A. 9208 /R.A. 10364 Expanded Trafficking-in-Persons Act.
Matapos ang pag-aresto sa mga suspek ay iniharap sila sa inquest proceedings sa Office of Prosecutor General, Department of Justice, Manila City.
