NASAWI ang tatlong katao kabilang ang isang matandang mag-asawa, noong Huwebes makaraang masunog ang kanilang bahay sa Tondo, Maynila.
Ayon sa Manila Fire District, natagpuan ang labi ng mag-asawa at ang kanilang 45-anyos na anak sa ikalawang palapag ng nasunog na bahay.
Apat na tao rin ang nasugatan, kabilang ang mga fire volunteer.
Nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ni Loreta Flores na matatagpuan sa R.A Reyes Street sa Tondo.
Ang 78-anyos na lalaki, ang kanyang 70-anyos na asawa at ang kanilang 45-anyos na anak ay nakulong sa loob ng nasusunog na bahay.
Kumalat ang apoy sa mga kalapit na bahay na gawa sa light materials.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at idineklarang under control alas-2:41 ng hapon.
May kabuuang 18 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog.
Nasa P800,000 ang pinsala sa sunog.
