Olongapo City –SINAMPAHAN ng Disqualification Case sa tanggapan ng Commission on Election (COMELEC) ang kampo ni incumbent Mayor Rolen Paulino Jr. kaugnay sa lumabas na video na nakunan sa isang mall sa lungsod ang pamimigay sa publiko ng ayuda noong nagdaang Huwebes at Biyernes Santo.
Matatandaan na una ng nagpaalala ang COMELEC sa mga kandidato na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang aktibidad o pangangampanya sa dalawang araw na binanggit bilang bahagi ng paggunita sa Semana Santa alinsunod sa COMELEC resolution 10999
Unang naghain ng disqualification case si City Councilor Kaye Ann Legaspi na tumatakbong Vice Mayor na kung saan ay una siyang nagbigay ng pahayag sa pamamagitan ng isang post sa kanyang facebook page kaugnay sa insidente.
Siinundan naman ng isa sa mga tauhan ni Punong Barangay Echie Ponge na kumakandidatong Mayor ng lungsod ang paghahain ng DQ case laban pa rin sa Team Paulino.
Samantala, nakatakda din maghain ng kaparehong kaso si Atty. Prudencio Jalandoni ng Team Vegafria na tumatakbo din bilang Vice Mayor ng lungsod sa panayam ng #RadyoBanderaOlongapo.
“Mayroon mga lumapit sa atin na mga taga Olongapo na nakasama sa bigayan ng ayuda at nakahanda silang tumestigo laban sa mga Paulino.” Ayon kay Jalandoni.
Hihingin umano nila ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) upang ipa authenticate ang sinasabing video na nag viral sa social media kung saan ay makikita na nagbibigay ng ayuda ang kampo ng kasalukuyang Mayor ng lungsod na si Atty. Lenj Paulino habang ilan pa sa kanyang mga tumatakbong konsehal ay nakunan din ng video at kasama din umano sa pamamahagi ng ayuda.
Ayon naman sa mapagkakatiwalaang source, wala umano sa nasabing aktibidad si Mayor Lenj Paulino, Councilor Tata Paulino, Councilor Jamiel Khonghun at Atty Noel Atienza.
Sinabi naman ni Office of the City Mayor – Public Affairs Office head Anthony Bayarong na wala pa silang natatanggap na kopya ng inihaing disqualification case laban sa kanila kung kaya hindi pa umano muna sila magbibigay ng pahayag.
