INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na wanted sa Beijing dahil sa operasyon ng ilegal na online gambling.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Li Wen Jie, 32-anyos, na nahuli noong Abril 28 sa kanyang tirahan sa kahabaan ng Gen. V. Lucban Street, Barangay Bangkal, Makati City.
Ang pag-aresto ay isinagawa ng mga operatiba mula sa Fugitive Search Unit (FSU) ng BI matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa mga krimen ni Li mula sa gobyerno ng China.
Si Li ay nag-overstay sa Pilipinas ng halos dalawang taon, na pumasok sa bansa noong Mayo 6, 2023, nang hindi umaalis mula noon.
Ayon kay FSU acting Rendel Ryan Sy, si Li ay may nakabinbin na ng warrant of arrest na inisyu ng Longmatan District Branch ng Municipal Public Security Bureau sa Luzhou, Sichuan Province.
Nagpatakbo umano si Li ng isang gambling house sa pamamagitan ng online app na “Qikaidesheng,” na gumagamit ng maraming ahente at iniulat na kumikita ng mahigit 1.1 milyong yuan, o humigit-kumulang USD 154,000, sa mga komisyon.
Siya ay kasalukuyang nakakulong sa pasilidad ng BI sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang nakabinbin ang summary deportation proceedings. Kapag na-deport, isasama siya sa blacklist ng BI at tuluyang pagbabawalan na bumalik sa Pilipinas
