NAARESTO ng mga operatiba ng Department of Migrant Workers (DMW) at NAIA Task Force Against Trafficking ang isang Japanese national at ang kanyang Filipino na kasabwat dahil sa umano’y sa pagkakasangkot sa human trafficking at large-scale illegal recruitment, sa isang entrapment operation sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 .
Kinilala ang mga suspek na sina Tomita Takayuki, isang Japanese national, at Maria Zenaida Callos Otani, isang Pinay na nahaharap ngayon sa qualified trafficking in persons at large-scale illegal recruitment criminal charges .
Ang pag-aresto sa kanila ay alinsunod sa marching order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang mga overseas Filipino workers (OFW) at bilang pagtupad sa mandato ng Departamento na tumakbo sa paghabol sa mga sindikatong bumibiktima sa mga inosenteng Pilipino.
Inaresto ang dalawa noong Biyernes ng gabi habang sinusubukang i-puslit palabas ng bansa ang 13 Pinoy na pinangakuan ng trabaho sa pabrika sa Japan.
Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad sa iba pang biktimang nagrereklamo, lumalabas na ni-recruit sila ng mga suspek gamit ang Winkbayside Manpower Services, na kalaunan ay natuklasan bilang isang pekeng ahensya. Naakit silang magtrabaho bilang mga manggagawa sa pabrika na may buwanang suweldo na 120,000 Yen sa ilalim ng Technical Intern Training Program ng Japan.
Pagdating sa Japan, sa halip na sumailalim sa nasabing programa, ang mga biktima ay itinurn-over sa iba’t ibang employer para magtrabaho sa mga pabrika gamit ang fictitious identity. Nalaman din nila na umabot sa 200,000 Yen ang tunay nilang sahod pero mga 120,000 Yen lang ang ibinayad sa kanila.
Sa pakikipag-ugnayan kay Undersecretary for Licensing and Adjudication Services Bernard P. Olalia, nagpatupad ng entrapment operation ang DMW- Migrant Workers Protection Bureau kasama ang NAIA Task Force Against Trafficking at NBI- International Airport Investigation Division na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Samantala, nanawagan ang MWPB ang lahat ng mga nakaraang biktima ng mga suspek na lumabas at makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sampahan ng kaso. Maaari rin silang makipag-ugnayan gamit ang kanilang opisyal na Facebook page: https://www.facebook.com/dmwairtip para sa agarang legal na aksyon.
