INANUNSIYO ng Commission on Elections (COMELEC) nitong Huwebes na hindi na kailangang magpakita ng barangay certificate ang mga Pilipino sa kanilang pagpaparehistro bilang botante. Ayon sa ahensya, ang dokumentong ito ay nagamit umano ng ilang tiwaling opisyal ng barangay upang manipulahin ang proseso ng eleksyon.
Ipinahayag ni COMELEC Chairman George Garcia na kasalukuyang binabago ng komisyon ang mga panuntunan sa pagpaparehistro ng botante, na ilalabas sa mga susunod na araw.
“Tinatanggal na namin ang barangay certification bilang katibayan ng paninirahan sa isang lugar,” ani Garcia sa isang forum.
Ayon sa kanya, marami nang opisyal ng barangay ang naimbestigahan at nasampahan ng kaso dahil sa umano’y paggamit ng barangay certification bilang kasangkapan upang mahakot ang mga botante mula sa ibang lugar.
“Batay sa aming pagsusuri, ang barangay certificate ay nagamit upang ilipat ang mga botante sa iba’t ibang lugar at ipakita silang residente ng isang partikular na komunidad,” dagdag niya. “Upang maiwasan ang ganitong gawi, hindi na namin tatanggapin ang barangay certification bilang patunay ng pagiging botante.”
Ipinunto rin ni Garcia ang kalagayan ng mga mamamayang walang government-issued ID, na dati ay umaasa sa barangay certification bilang alternatibo. Gayunpaman, binigyang-diin niyang may bayad din ang pagkuha nito.
“Nauunawaan natin ang hinaing ng ating mga kababayan, lalo na ang mga walang government ID. Madalas, ang barangay certificate ang kanilang nagiging opsyon. Pero may bayad din ito,” aniya.
Ipinahayag ni Garcia na ang hakbang na ito ay para protektahan ang integridad ng proseso ng eleksyon.
“Ginagamit ito ng ilang tiwaling opisyal upang manipulahin ang voter registration—maaaring ilipat ang mga botante o alisin ang sinumang itinuturing nilang kalaban sa pulitika. Kaya aalisin na namin ito,” paliwanag niya.
Hinimok din niya ang sinumang nais kwestyunin ang desisyon na dalhin ang kanilang hinaing sa Korte Suprema.
