Photo courtesy of PDEA
NATIMBOG nitong Lunes ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang consignee ng parsel na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon sa Pasay City.
Ayon sa PDEA, pagmamay-ari ng suspek na si alyas “Ruth” 28, ang parsel sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.
Sinabi ng suspek sa mga operatiba na hindi niya alam na naglalaman ang parsel ng ilegal na droga.
Ayon sa PDEA ang package ay mula sa Ontario, Canada ay idineklara bilang “ladies’ wear and bags.”
Sa pag-inspeksyon, natuklasan ng mga awtoridad ang ilang self-sealing transparent plastic bag na nakabalot sa foil at cling wrap, lahat ay naglalaman ng humigit-kumulang isang kilo ng hinihinalang shabu.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang isang mobile phone, isang notice card, at ilang identification card, ang isa ay may pangalan ng consignee at ang iba ay napag-alamang peke at sa ilalim ng magkaibang pagkakakilanlan.
Itinurn-over sa PDEA ang mga nakumpiskang iligal na droga.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act ang consignee.
