INILUNSAD ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang proyektong Bayanihan SIM, na target ang mga guro at estudyante upang palawakin ang internet access sa buong bansa, lalo na sa malalayong lugar.
Sinabi ni DICT Undersecretary Paul Joseph Mercado sa isang press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules na sa ilalim ng proyekto, humigit-kumulang isang milyong SIM card ang ipapamahagi sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).
Maglalagay rin ng maraming digital infrastructure o tower sa iba’t ibang lugar lalo na sa mga GIDA areas.
Nakipagtulungan ang DICT sa National Economic and Development Authority (NEDA) para ipatupad ang tatlong taong target na proyekto na naglalayong magbigay ng koneksyon sa mga lugar na kulang sa serbisyo sa bansa.
“With that one million SIM cards, may subscription po. Ang uunahin po naming bigyan ay ang mga estudyante at guro kasi ang purpose po nito ay ang ating education” ani ni Mercado.
Ang mga SIM card, na may 25GB buwanang alokasyon, ay ipapamahagi nang walang bayad sa mga mag-aaral at guro, sinabi ng opisyal ng DICT.
Sinabi ni Mercado na tutukuyin ng DICT ang mga lokasyon ng GIDA sa pakikipag-ugnayan sa NEDA, na ipo-post sa website ng DICT.
Ang proyekto ay magsisimula sa pagtatapos ng ikalawang quarter hanggang ikatlong quarter ng taong ito, aniya, at idinagdag na ang terms of reference (TOR) at ang distribution guidelines ay natapos na.
Ang inisyatiba ay bahagi rin ng thrust ng gobyerno para ma-engganyo ang mga telcos na mamuhunan sa mga malalayong lugar sa bansa, dagdag pa ni Mercado.
