PITONG (7) Akay ni Gob Action Centers ang pormal na binuksan sa iba’t ibang bayan ng Laguna sa pangunguna ni Governor Sol Aragones, na layuning mapabilis ang pag-abot ng medical, financial, at burial assistance sa mga nangangailangang residente. Matatagpuan ang mga action centers sa San Pedro, Santa Rosa, Calamba, Biñan, Cabuyao, San Pablo, at Sta. Cruz, at bukas mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 AM hanggang 5:00 PM upang makapaghatid ng mabilis, maayos, at makataong serbisyo publiko.
Sa unang araw pa lamang ng operasyon, dagsa na ang mga tao na nais magsumite ng kanilang mga requirements. “Maraming tao po, upang mas marami pong mag-asikaso sa inyo,” pahayag ni Governor Aragones, bilang tugon sa dami ng lumahok. Tiniyak din niyang sapat ang deployment ng staff upang maasikaso nang maayos ang bawat lumalapit. Bukod sa pagbubukas ng mga sentro, binigyang-pansin din ng programa ang pagtulong sa maliliit na local vendors, partikular sa mga lugar tulad ng Nagcarlan, bilang bahagi ng mas inklusibong pamumuno.
Ramdam agad ang epekto ng programa sa mga unang natulungan. Isa na rito si Arlinda Silva mula sa Calamba, na na-diagnose ng leukemia noong 2019. Humingi siya ng tulong para sa kanyang gamutan. Ang kanyang asawa ay isang tricycle driver na dating na-stroke, kaya kahit may iniindang karamdaman ay patuloy pa ring namamasada ang tanging pinagkukunan ng kita ng kanilang pamilya. Matagal silang tiniis ang bigat ng sitwasyon, ngunit sa pamamagitan ng Action Center, nabigyan sila ng pag-asa at tulong na kanilang matagal nang hinihintay.
Isa rin sa mga lumapit ay si Angelito Yata, isang pasyente ng cancer na kasalukuyang sumasailalim sa chemotherapy sa PGH. Na-diagnose siya ng rectal cancer noong 2023, at simula noon ay palipat-lipat siya ng LGU office para humingi ng tulong dahil kapos sila sa pera. “Maganda ang program ni Ma’am, dahil naaksyunan agad. Mabilis ang proseso,” ani Angelito, na labis ang pasasalamat sa tulong na agad nilang natanggap.
Para naman kay Vilma Coronacion ng Brgy. Mamatid, Calamba, ang tulong ay dumating sa panahong lubhang kailangan. Bigla na lang hinimatay ang kanyang 18-anyos na anak na estudyante, kaya’t kailangan itong isailalim sa EEG. Halos maiyak si Vilma habang nagkukuwento: “Nahingi po ako ng tulong para sa anak ko… estudyante pa po siya. Yung tulong po mula sa Action Center, buong buo pong mapupunta para sa EEG niya.” Aniya, malaking ginhawa ang naibigay ng programa sa kanilang pamilya.
Ang mga kwentong ito ay sumasalamin sa tunay na layunin ng “Gobyernong May Solusyon” isang pamahalaang marunong makinig, handang kumilos, at may malasakit sa mga mamamayang nangangailangan. Sa pagbubukas ng pitong Action Centers sa Laguna, ipinapakita ni Governor Sol Aragones ang isang klase ng pamumuno na hindi lang nagseserbisyo kundi nagbibigay din ng bagong pag-asa sa bawat pamilyang humaharap sa pagsubok.
