INANUNSIYO ni Senate President Alan Peter Cayetano nitong Biyernes na ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee sa Huwebes, June 4, ang imbestigasyon tungkol sa umano’y anomalya sa flood control projects.
“A subcommittee will be formed and Senator (Rodante) Marcoleta will issue the notices on Monday para ituloy na sa Thursday (June 4) y’ung flood control scam hearings,” wika ni Cayetano sa isang Facebook Live.
“It will be impartial and we want the whole truth and not only some truth, or some true and some not true to come out,” dagdag niya.
Humiling din si Cayetano ng panalangin habang isinasagawa ang paghahanda para sa pagdinig.
“Sana po y’ung witnesses, sama-sama pong lakasan na po ang loob niyo. Basta ang kailangan lang, hindi pwede mag-witness y’ung magsisinungaling.
Magsabi lang po parati ng totoo,” aniya. Sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano, si Senator Pia Cayetano ang chairperson ng Blue Ribbon Committee habang si Marcoleta naman ang mamumuno sa subcommittee na magsisiyasat sa flood control scandal.
Dalawang beses nang nagpalit ng liderato ang komite kaugnay ng kontrobersyal na imbestigasyon. Una itong pinamunuan ni Marcoleta noong si Francis Escudero pa ang Senate President, at kalaunan naman ni Panfilo Lacson noong panahon ni Senador Vicente Sotto III.
Nagsagawa si Lacson ng serye ng malalaking pagdinig na nag-ugnay sa ilang mambabatas, kabilang ang tatlong senador, sa umano’y mga iregularidad.
Pero hanggang ngayon ay bahagyang ulat pa lamang ang nailalabas ng komite, na pirmado ng pitong senador.
Kulang pa ito sa kinakailangang siyam na lagda upang maisulong at maipresenta sa plenaryo para sa pagtalakay.
Sa muling pagbubukas ng pagdinig, hinikayat ni Cayetano ang publiko na bantayang mabuti ang mga proceedings tulad aniya ng pagsubaybay ng mga Pilipino sa impeachment process sa Senado.
Ayon sa kanya, dapat matukoy ng Blue Ribbon Committee kung sino talaga ang mga utak sa likod ng umano’y bilyong pisong anomalya.
Binigyang diin niya na dapat managot ang sinumang opisyal, anuman ang posisyon o partidong kinabibilangan, kung mapapatunayang may maling ginawa.
Binanggit din niya ang magkakasalungat na pahayag ng ilang opisyal ng gobyerno. “Kung makikita ninyo, may conflict na kaagad.
Ang sabi ng Ombudsman, mayroong mastermind. Ang sabi naman ni Senator Lacson, walang mastermind.
Sabi ni Senator Lacson, ito y’ung mga dapat hindi imbitahin. Sabi naman ni Senator Marcoleta, ito dapat ang imbitahin,” wika ni Cayetano.
“So I am inviting the whole public, bantayan ninyo ang Senado in the same manner that we are on trial when we have the impeachment.
We have to hold everyone accountable pagdating dito sa flood control (scandal),” dagdag niya. Iginiit din ni Cayetano na tungkulin ng Senado na panatilihin ang transparency at siguraduhing tama ang paggamit ng pondo ng bayan, lalo na sa mga proyektong direktang nakaaapekto sa mga komunidad na madalas bahain. Sinabi rin niya na nananatiling determinado ang Senate Majority na gampanan ang kanilang tungkulin nang may kasarinlan habang tinutugunan ang mga isyung mahalaga sa mamamayan.
“Meron kayong Senado na lalaban at hahanapin ang katotohanan. Merong mga senador sa Majority na handang makulong ilaban lang ang prinsipyo na independent ang Senate,” wika niya.
“But our country is worth it. So if you ask me what you can do for us, pray for us. Pray that we stick together, that this Majority will be given a chance. But pray din na walang cover up, kahit sino man,” dagdag niya.
