AGAD na ipinalalagay sa blacklist at pinasisingil ang isang construction company dahil sa isang “ghost ” flood control project sa Baliuag, Bulacan.
Ito ang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules matapos mabulilyaso ang SYMS Construction Trading nang magsagawa ng inspeksyon sa Baliuag para maberipika ang ulat na ipinadala sa pamamagitan ng sumbongsapangulo.ph website hinggil sa konkretong pader ng ilog.
“Mahigit PhP55 milyon ang binayad para sa concrete river wall. Bayad na mula pa noong Hunyo, pero sa inspeksyon, walang hollow block na makikita. At hindi pa ito kasama sa listahan ng flood control projects na isinumite ng DPWH (Department of Public Works and Highways). Bakit ito itinago? Hindi na kayo nahiya!” sinabi ng Pangulo sa isang pahayag na inilabas sa kanyang Facebook page.
Bukod sa pagkaka-blacklist, kakasuhan ang kumpanya ng paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of public documents.
“Ang SYMS Construction Trading ay agad na iba-blacklist at haharap sa mga kaso sa ilalim ng Revised Penal Code at RA 3019. Hahapin at sisisiyasatin pa natin ang iba pa nilang proyekto,”ayon pa kay pangulong Marcos .
“Hindi natin malalampasan ito. Sususpendihin at kakasuhan ang lahat ng opisyal na nag-authorize at nakipagsabwatan dito,” the dagdag pa niya.
Hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na ipagpatuloy ang pag-uulat ng mga maanomalyang proyekto sa pagkontrol sa baha sa pamamagitan ng website ng sumbongsapangulo.ph.
