ITINALAGANG bilang bagong pinuno ng Philippine National Police (PNP) si Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.matapos masibak sa pwesto si General Nicolas Torre III, ayon ito sa kumpirmasyon ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ngayong araw ng Martes.
Ito ay kasunod ng memorandum ni Executive Secretary Lucas Bersamin para sa appointment ni Nartatez kapalit ni Torre na nilagdaan noong Agosto 25, 2025 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Matatandaang si Torre ay hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) mula Setyembre 25, 2024 hanggang sa kanyang pagkakaluklok bilang hepe ng PNP.
Naging pinuno siya ng Police Regional Office 11 (PRO-11) mula Hunyo 18, 2024 hanggang Setyembre 24, 2024.
Pinangunahan ni Torre ang pagdakip sa founder ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy noong Setyembre 8, 2024 sa Davao City dahil sa mga kaso ng human trafficking at sexual exploitation ng mga menor de edad.
Pinangunahan din niya ang inter-agency operation para arestuhin si dating pangulong Rodrigo Duterte, na may pangalang “Operation Pursuit,” bilang tugon sa warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) na ipinadala ng International Police (Interpol.) Si Duterte ay dinakip pagdating sa Maynila at dinala sa The Hague noong Marso 11, 2025.
Si Nartatez naman ay kasalukuyang Area Police Commander (APC) para sa West Mindanao, at dating nagsilbi bilang PNP Deputy Chief for Administration at director ng Metro Manila police, Calabarzon police, Directorate for Intelligence, at Directorate for Comptrollership.
Nagsilbi rin siya bilang provincial director sa Ilocos Norte at humawak ng mga post sa intelligence at imbestigasyon sa Laguna.
Bago ang kanyang assignment sa Mindanao, si Nartatez ang pangalawang in command ng PNP.
Samantala, hindi isiniwalat sa liham ni Bersamin ang dahilan kung bakit tinanggal si Torre sa kanyang puwesto.
