NAGPATUPAD ng mass deportation ang Bureau of Immigration (BI) nitong Miyerkules kung saan nasa 49 pugante ng South Korea ang pinapabalikat agad na pinasakay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ang deportasyon ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos, Jr. na tiyakin ang mabilis na pag-alis ng mga dayuhang pugante at undesirable aliens sa bansa.
Ang deportasyon ay inayos ng BI’s deportation and implementation unit (DIU) sa pakikipag-ugnayan sa South Korean Embassy, na nagbigay ng logistical assistance para mapabilis ang deportasyon ng 49 na indibidwal.
Ang mga naarestong pugante ay binubuo ng 6 na babae at 43 lalaki. Lahat ay ipinatapon pagkatapos ma-tag ng kanilang gobyerno bilang mga wanted.
Sinabi ni Viado na ang mabilis na pagpapatapon ng mga ilegal na dayuhan, ay nananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon.
Kabilang sa mga ipinatapon ay si Choi Hojun, 36, na inaresto ng mga ahente ng BI fugitive search unit (FSU) sa Angeles City, Pampanga noong Abril 14. Si Choi ay pinaghahanap sa South Korea dahil sa umano’y mastermind ng isang messaging phishing syndicate na nakabase sa China at Pilipinas. Ang kanilang organisasyong kriminal ay iniulat na naglipat ng kabuuang KRW 1.7 B sa pamamagitan ng ilegal na pag-access ng sensitibong impormasyon, partikular na ang data ng pagbabangko ng humigit-kumulang 200 biktima.
Ang isa pang deportee, na kinilalang si Han Jonghoon, 42, ay inaresto ng FSU sa Annapolis, San Juan City noong Hulyo 4 dahil sa umano’y pagpapatakbo ng 23 iligal na online gambling website na nagta-target sa mga Koreano, at iniulat na nagbulsa ng higit sa KRW 2 Trilyon na kita.
Pina-deport din sina Jung Hoesung, 40 at Choi Byeongil, 44. Si Jung ay pinaghahanap sa Korea dahil sa pagpapatakbo ng mga ilegal na online platform at pagpapailalim sa mga recruit sa pananakot at pisikal na pananakit. Si Choi, ay pinaghahanap dahil sa umano’y pagiging utak sa likod ng isang real estate deposit loan scam, na nanloloko ng bilyun-bilyong Won.
Binigyang-diin ni Viado ang matibay na pangako ng BI na i-deport ang mga dayuhang pugante mula sa Pilipinas. “Ulitin ko. Ang Pilipinas ay hindi kanlungan ng mga dayuhang pugante. Ang mga umaabuso sa mabuting pakikitungo ng ating bansa ay mahaharap sa pinakamabigat na parusa ng batas,” babala niya.
Ang mga pugante ay inihatid pabalik sa South Korea ng mga kinatawan mula sa BI at ng gobyerno ng South Korea.
