ANG internal cleansing ng Senate Blue Ribbon Committee ang magiging isa sa mga pangunahing prayoridad ng bagong pinuno nito na si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson – bukod sa agad na pagtutok sa trabaho at pagpapatuloy sa iniwan ng dating chairman.
Iginiit ito ni Lacson matapos na maiugnay ang umano’y staff ni Sen. Jinggoy Estrada sa isang “delivery of obligation” (a.k.a. “lagay”) sa isang congressional hearing nitong Martes, at kinilala ni Estrada ang naturang staff bilang bahagi ng Blue Ribbon panel.
“In the House committee hearing today, a Blue Ribbon staff member identified by Sen. Jinggoy Estrada as Beng Ramos was linked to a supposed delivery of obligation aka ‘lagay’ by WJ Construction that was awarded a project by then Bulacan 1st DEO Henry Alcantara,” ani Lacson sa isang post sa X.
“Since I am not sure if there is only one Beng Ramos in the Blue Ribbon Committee which I was just elected by my peers to chair, just like DPWH Sec Vince Dizon, maybe I also need to do a simultaneous internal cleansing while buckling down to work,” dagdag niya.
Ani Lacson, mahalagang tiyakin na malinis ang komite dahil inatasan itong magbantay ng maling gawain lalo na sa gobyerno.
Pinamunuan ni Lacson ang internal cleansing ng Philippine National Police noong siya ang hepe nito mula 1999 hanggang 2001. Ang paglilinis na iyon ay nagtanggal sa puwersa ng pulisya ng mga pulis na sangkot sa pang-aabuso. Dahil dito, nakamtan ng kapulisan sa pamumuno ni Lacson ang tiwala ng taumbayan.
Sa pagdinig ng Kamara nitong Martes, sinabi ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez na tumanggap si Estrada ng kickback mula sa P355 milyon ng alokasyon.
Ipinakita ni Hernandez ang mga larawan ni Estrada kasama ang dating Bulacan first engineering district head na si Henry Alcantara — pati na rin ang screenshots ng mensahe na kinasasangkutan umano ng isang staff ni Estrada na tinukoy bilang Beng Ramos.
Sa pagtanggi sa mga paratang, sinabi ni Estrada na wala siyang staff member na nagngangalang Beng Ramos simula nang pumasok siya sa Senado noong 2004. Dagdag niya, si Ramos ay isang staff member ng Blue Ribbon Committee at dating kasintahan ng isa sa kanyang Senate staff.
