TIKLO sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang miyembro ng ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado makaraang mahulng nagbebenta ng ilegal na baril sa Bgy. San Isidro, San Simon, Pampanga.
Huli si alyas “Banti, 40,” residente ng San Antonio, Nueva Ecija na kasalukuyang nakatalaga sa Coast Guard Station sa Maynila.
Sinabi ng CIDG Region 3 na isinagawa ang entrapment sa harap ng Wang Xiang Lou Restaurant sa Quezon Road.
Nahuli ang suspek habang nagbebenta ng M4 Carbine rifle sa isang police poseur-buyer.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang M4 Carbine 5.56mm rifle, 19 piraso ng 5.56mm live ammunition, isang steel magazine, at ang marked boodle money.
Nakuha rin sa suspek ang mga karagdagang baril at bala, kabilang ang isang Glock 17 pistol, tatlong magazine para sa Glock pistol, 72 piraso ng 9mm live ammunition, isang holster, limang basyo ng 5.56 na bala, at isang cellphone.
Lumabas sa imbestigasyon na nag-aalok ang suspek ng mga hindi lisensyadong baril sa pamamagitan ng online platform, na humantong sa pagkakakulong.
Nasa kustodiya ng CIDG Pampanga ang naarestong suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Section 32 ng Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
