NAGSASAGAWA na ng manhunt operation ang mga otoridad makaraang ilabas ng korte ang warrant of arrest laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa pagkawala ng dose-dosenang mga sabungero.
Nahaharap si Ang sa mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping sa tatlong Regional Trial Court — sa Lipa City, Batangas at sa San Pablo City at bayan ng Sta. Cruz sa Laguna.
Naglabas ang Laguna RTC Branch 26 sa Sta. Cruz ng warrant of arrest laban kay Ang para sa kidnapping with homicide, isang kasong hindi maaaring piyansahan.
Batay sa warrant of arrest na inilabas ni presiding Judge Mary Jean Cajandab-Ong noong Enero 13, 2026, inatasan ang mga kinauukulang law officer na gumamit ng kahit isang body-worn camera at isang alternatibong recording device alinsunod sa Rules on the Use of Body-Worn Cameras in the Execution of Warrants na inilabas ng Korte Suprema.
Bukod kay Ang, 17 pang suspek ang inutusan ding arestuhin.
Nag-ugat ang kaso laban kay Ang noong 2022 dahil sa misteryosong pagkawala ng ilang “sabungeros.”
Ang mga pagkawala ay isiniwalat sa publiko noong nakaraang taon nang lumitaw ang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan na kilala rin bilang “Totoy,” isang dating empleyado ni Ang, na nagsabing ang mga bangkay ng mga “sabungero” ay itinapon sa Lawa ng Taal.
Itinuro ni Patidongan si Ang bilang utak sa likod ng mga pagkawala.
Itinanggi naman ni Ang ang mga akusasyon.
Samantala, hinimok ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Ang na sumuko nang mapayapa habang aktibo na siyang tinutugis ng mga awtoridad.
