PINANGUNAHAN ni DOH – Ilocos Regional Director Paula Paz M. Sydiongco ngayong araw ang promal na oath taking ceremonmy ng dalawampung (20) bagong Doctor to the Barrios (DTTB) na itatalaga sa mga lugar na nangangailangan ng mga doktor bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa iba’t ibang lalawigan ng Ilocos Region.
Sila ay ilalagay sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs), rural health units, at mga pampublikong ospital upang mapunan ang kakulangan sa health personnel, mapalawak ang serbisyong medikal, at mas mapaigting ang mga programang pang-iwas at pangangalaga sa kalusugan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Director Sydiongco ang mahalagang papel ng mga bagong doktor sa pagpapatupad ng Universal Health Care at sa pagpapalapit ng serbisyong medikal sa mga komunidad.
“Ang panunumpang ito ay hindi lamang isang pormalidad, kundi isang pangakong maglilingkod nang buong puso at integridad. Ang ating 20 bagong doktor ay simbolo ng pag-asa para sa mga komunidad na matagal nang nangangailangan ng tuloy-tuloy at dekalidad na serbisyong medikal,” ani Sydiongco.
Ayon pa sa kanya, ang estratehikong pagtalaga ng mga doktor sa mga liblib at kulang sa serbisyong lugar ay makatutulong upang mapalakas ang primary care, maternal at child health services, pamamahala sa non-communicable diseases, at agarang pagtugon sa mga emerhensiya.
“Pinatitibay natin ang pundasyon ng ating health system sa pamamagitan ng pagpapalakas ng primary care. Sa pagdadala ng mga doktor sa mga lugar na higit na nangangailangan, sinisiguro nating walang maiiwan at walang mapagkakaitan ng serbisyong pangkalusugan,” dagdag niya.
Bukod sa pagbibigay ng serbisyong klinikal, inaasahan ding makikipagtulungan ang mga bagong doktor sa mga lokal na pamahalaan, barangay health workers, at iba pang katuwang upang maisakatuparan ang mga prayoridad na programang pangkalusugan ng DOH at mapabuti ang kalagayan ng kalusugan ng bawat Ilokano.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapalakas ng human resources for health, muling pinagtitibay ng DOH Ilocos ang layunin nitong mailapit ang serbisyong medikal ng pamahalaan sa bawat pamilya—sapagkat ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan ay karapatan ng lahat, hindi pribilehiyo ng iilan.
