INILABAS na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P1.19 Trillion National Tax Allotment (NTA) ng mga local government units (LGUs) para sa Fiscal Year (FY) 2026.
Ang maagang paglabas ng FY 2026 NTA ay malinaw na nagpapakita ng people-centric na katangian ng 2026 General Appropriations Act (GAA), na inuuna ang tuloy-tuloy na basic services, mas pinalakas na local governance, at mas mabilis na paghatid ng mga programang direktang nararamdaman ng mga komunidad.
Ayon kay DBM Secretary Rolando “Rolly” Toledo ang pag-isyu ng Special Allotment Release Order (SARO) at ang kaukulang Notices of Cash Allocation (NCAs) ay nailabas noong 26 January 2026. Saklaw nito ang buong taon na NTA requirements ng mga LGU sa buong bansa, ayon sa pinahihintulutan ng FY 2026 GAA.
“Ang maayos at napapanahong paglabas ng FY 2026 National Tax Allotment ay sinisiguro na may sapat na pondo ang mga local government units para makapaghatid ng serbisyo nang walang delay,” ani Acting Secretary Toledo.
“Ganito gumagana ang 2026 budget para sa mga tao—sinisigurong umaabot ang pondo sa mga komunidad sa oras na pinaka-kailangan nila ito.”
Dagdag pa niya, ang paglabas ng pondo ay nagbibigay kakayahan sa mga LGU na ipagpatuloy ang mahahalagang local services tulad ng health care, suporta sa edukasyon, disaster preparedness at response, at maintenance ng local infrastructure.
Ayon sa DBM, ang agarang paglabas ng FY 2026 NTA ay patunay ng patuloy na commitment ng administrasyon sa fiscal decentralization at sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga LGU na gampanan nang maayos ang kanilang mga devolved functions.
Sa ilalim ng Constitution at ng Local Government Code, ang NTA ay ang automatic at formula-based na bahagi ng mga LGU sa national internal revenue, at nagsisilbing pangunahing pinanggagalingan ng pondo para sa local programs, projects, at services.
Direktang na-credit ang FY 2026 NTA sa mga authorized government servicing banks ng mga LGU, alinsunod sa umiiral na budgeting, accounting, at auditing rules.
