NANGANGAMBA ang Bureau of Immigration (BI) dahil sa pagtaas ng bilang ng mga menor de edad na Pinay ang nahaharang at nagtatangkang umalis patungo sa ibang bansa.
Naharang ang isang babaeng biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na nagtangkang umalis patungong Riyadh, KSA, via Hong Kong sakay ng Cathay Pacific flight noong Pebrero 23 para sa umano’y pagtatrabaho bilang isang kasambahay.
Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, sinabi ng biktima na siya ay 24 taong gulang, na tutungo sa ibang bansa para magtrabahi bilang isang kasambahay .
Dahil sa hindi pagkakapare-pareho sa kanyang mga pahayag ay isinalang siya ng mga opisyal sa ikalawang inspeksyon para sa karagdagang katanungan.
Nagpakita siya ng isang PSA birth certificate na napatunayang tunay ng BI Anti-Fraud Section, ngunit napansin ng mga opisyal ang mga pagkakaiba sa kanyang mga pahayag, kabilang ang kanyang pahayag na siya ang pang-anim na anak na kung saan ay nakasaad sa dokumento na siya ang pangatlo.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, “Ang kanyang tunay na edad ay nabunyag sa pamamagitan ng birth certificate na nagpapakita na siya ay ipinanganak noong 2004, kaya siya ay 21 taong gulang lamang at mas mababa sa kinakailangang edad ng pag-deploy,” .
Nagbabala si Viado na ang mga sindikato ng trafficking na madalas na itinuturo sa mga kabataang Pilipina na pekein ang kanilang personal na impormasyon upang ma-deploy sila bilang overseas domestic worker.
Binigyang-diin niya na ang kasalukuyang mga regulasyon ng OFW ay nangangailangan ng mga Pilipinong domestic worker na patungo sa mga destinasyon tulad ng Saudi Arabia na hindi bababa sa 24 taong gulang.
