LIGTAS na sa mga itininalagang mga bomb shelter ang mga Pinoy sa Middle habang patuloy na minomonitor ng pamahalaan ang sitwasyon roon, ayon sa anunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Linggo .
Aniya, walang naiulat na Pilipino ang nasaktan o namatay matapos ang palitan ng pag-atake na kinasasangkutan ng Israel, Estados Unidos, at Iran, batay sa mga ulat mula sa mga embahada ng Pilipinas sa nasabing rehiyon.
“Sa palagay ko po ay nabalitaan niyo na po na binomba ng Israel at saka ng Amerika ang Iran. At ang Iran naman ay sumagot at nagbomba naman ng mga American base sa United Arab Emirates, sa Bahrain, sa Oman at siyempre sa Israel. Alam naman natin na napakarami ang mga Pilipino diyan sa bandang Middle East. I’m sure nag-aalala kayo sa inyong mga kilala, mga kaibigan at mga kaanak na nandoon,” sabi ni Pangulong Marcos sa isang video message.
Binigyang-diin ng Pangulo na mula nang magsimula ang hidwaan, mahigpit na minomonitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa Middle East, kung saan ang mga embahada ng Pilipinas at mga labor attaché ay inilagay sa heightened alert simula hapon ng Sabado upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa rehiyon.
“Nais kong i-report sa ating mga kababayan na sa ngayon, as of 9 o’clock Sunday, wala po tayong natatanggap na report na may casualty na Pilipino. Wala pong Pilipino ang namatay. Walang Pilipino ang nasaktan,” ayon sa Pangulo.
Ayon kay Pangulong Marcos, nananatiling alerto ang mga ahensya ng pamahalaan habang patuloy na umuunlad ang sitwasyon sa Middle East, at binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagmamanman upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa rehiyon.
