NAHARANG ng Bureau of Customs (BOC) ang walong abandonadong parcel na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng ₱43.76 milyon sa isinagawang operasyon sa Pasay City noong Oktubre 9, 2026.
Pinangunahan ni Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) District Collector Atty. Yasmin O. Mapa ang operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng hinihinalang shabu, cocaine, ecstasy, marijuana kush at ketamine.
Ayon sa BOC, kabilang sa mga nasamsam ang 5,222 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱35.51 milyon; 261 gramo ng cocaine na tinatayang ₱1.38 milyon; 482 tableta ng ecstasy na nagkakahalaga ng ₱819,400; 1,047 gramo ng marijuana kush na nagkakahalaga ng ₱1.047 milyon; at 1,001 gramo ng ketamine na tinatayang ₱5.005 milyon.
Lalong naging kapansin-pansin ang paraan ng pagtatago sa mga kontrabando dahil isiniksik ang mga ito sa mga handbag, lalagyan ng pagkain, sandals, garment steamer, bubble-maker toys at laruang washing machine.
Nagmula umano ang mga parcel sa Mexico, Canada, India, United Kingdom, Thailand, Malaysia at Belgium, at nakatakdang ipadala sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na patuloy na paiigtingin ng ahensiya ang inspeksiyon sa mga kargamento upang harangin ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Ayon kay Nepomuceno, mahalaga rin ang mahigpit na koordinasyon sa mga katuwang na ahensiya upang maprotektahan ang publiko at matiyak ang seguridad ng mga hangganan ng Pilipinas.
Isusumite ang mga nakumpiskang ebidensiya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Laboratory Service para sa pagsusuri.
Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng pagpapadala ng mga parcel at maisampa ang kaukulang kaso matapos makumpleto ang pagsusuri at pagkalap ng ebidensiya
