PAGPAPALAKAS ng pundasyon ng pamilya at komunidad ang isinusulong ng isang mambabatas sa kamara ngayong ika-20th Congress.
Isa sa nihaing panukala ni Nueva Viscaya Rep. Timothy Joseph Cayton na naglalayong palakasin ang suporta sa mga pamilyang Pilipino at kilalanin ang sakripisyo ng mga barangay frontliners.
Itinutulak ni Cayton na gawing libre ang parking ng mga solo parents sa mga pangunahing establisyimento sa buong bansa sa pamamagitan ng Solo Parent Accessibility and Welfare Support Act of 2026.
Ayon kay Cayton, panahon na upang magbigay ng konkretong tulong sa mga magulang na mag-isang tumataguyod at nag-aalaga sa kanilang mga anak. “Kapag solo parent ka, doble ang responsibilidad mo. Ikaw ang nanay, ikaw ang tatay. Hindi sapat ang papuri. Kailangan may tunay at praktikal na suporta,” ani Cayton.
Sa ilalim ng panukala, magiging libre ang parking ng solo parents sa mga ospital, paaralan, tanggapan ng gobyerno, commercial centers, paliparan, pantalan, at mga terminal ng transportasyon, basta may valid Solo Parent ID at ang solo parent mismo ang driver o occupant ng sasakyan.
Ang mga establisyimentong hindi susunod ay papatawan ng multang mula ₱100,000 hanggang ₱300,000 sa unang paglabag.
Samantala, itinutulak din ni Cayton ang Barangay Workers Separation and Retirement Protection Act na magbibigay ng malinaw at minimum na separation at retirement benefits para sa mga barangay workers.
Kabilang sa mga saklaw ng panukala ang mga Barangay Secretary, Barangay Treasurer, Barangay Tanod, Barangay Health Worker, Barangay Nutrition Scholar, at iba pang kinikilalang barangay personnel na nakapaglingkod ng hindi bababa sa limang taon.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng separation pay na katumbas ng isang buwang honorarium para sa bawat taon ng serbisyo, retirement benefits para sa mga nakapaglingkod ng hindi bababa sa 15 taon at umabot sa edad na 60, magtatatag ang bawat LGU ng Barangay Workers Trust Fund para matiyak ang pondo para sa mga benepisyo.
