PINASINAYAAN ng Committee on Senior Citizens nitong Marso 18, 2026 sa pangunguna ni Chairperson Hon. Milagros Aquino-Magsaysay, ang kampanya para sa isang milyong lagda para sa Universal Social Pension.
Nagkaroon ng Ceremonial Turnover ng Signature Campaign na sinimulan ng halos 20,000 na mga senior citizens ng Lungsod ng Marikina na pinangunahan ni Cong. Miro Quimbo. Ito ay sumasalamin sa matinding sigaw ng mahigit 12 milyong mga senior citizens sa buong bansa para sa agarang pag-apruba ng universal social pension.
Ani ni Chairperson Hon. Magsaysay, kinatawan ng United Senior Citizens Partylist, “Ngayon po higit kailanman, kailangan na nating ipagkaloob ang social pension hindi lang para sa mga indigent senior citizens – kundi para sa lahat ng matatandang Pilipino – na wala nang pinipili, mayaman man o mahirap, nagpepensyon o hindi, basta’t 60 years old pataas lahat pantay-pantay na makatatanggap ng pensyon, dapat po ibigay na ang benepisyong ito na matagal na nating ipinagdarasal”.
Dagdag ni Magsaysay, “Sa kasalukuyan, ang ating minamahal na mga senior citizens sa pamamagitan ng kanilang OSCAs, LGUs, mga samahan, asosasyon, organisasyon, at mga federations mula sa 81 lalawigan, 149 na lungsod, at 1,493 na mga munisipalidad ay kumikilos na at lumilikom ng mga lagda na nagpapatunay ng kabuuang suporta para sa Universal Social Pension”.
Layunin ng kampanyang ito na makakalap ng isang milyong lagda, hanggang ang mga LAGDA para sa mga MATATANDA ay makarating kay Pangulong Bongbong Marcos, at kanya’y mabigyang-pansin ang hinaing ng mga matatanda at mapakiusapang mapirmahan na ang panukang-batas na ito.
Kapag naging ganap na batas ang Universal Social Pension, basta matanda, may pension mang tinatanggap mula SSS, GSIS, PVAO o anupaman – magkakaroon na ng buwanang social o state pension.
Panawagan ni Magsaysay na sana maipasa na at maging ganap na batas na itong Universal Social Pension ngayong taong ito.
“Sampung taon ko na pong ipinaglalaban na mabigyan ang lahat ng senior citizens sa Pilipinas ng pensyon. Wala na pong pili-pili. Walang maiiwan. Nananawagan po ako sa lahat ng mga seniors, ipakita nyo ang inyong lakas at suporta at pumirma. Sa ating mga mambabatas, mahalin po natin ang matatanda at bigyan ng sapat na atensyon ang kanilang mga pangangailangan. Bigyan niyo sila ng pagkakataong mabuhay ng may dignidad”, pagtatapos ni Magsaysay.
