HINDI bababa sa pitong katao ang nasugatan nang bumagsak ang kisame sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Biyernes Santo.
Kinumpirma kahapon ng bagong NAIA Infra Corp. (NNIC) ang insidente, na nagsasabing gumuho ang isang panel ng kisame bandang 10:43 ng umaga noong Abril 3, 2026, sa West Arrival Curb C area sa labas ng gusali ng passenger terminal ng NAIA Terminal 1, malapit sa isang food concession outlet.
Sinabi ng NNIC na pitong indibidwal sa paligid ang nagtamo ng mga pinsala at agad na nilapatan ng lunas na nasa maayos na kondisyon.
Agad na rumesponde ang medical team ng NNIC, mga tauhan ng seguridad sa paliparan, at ang PNP Aviation Security Group,upang siguraduhin ang lugar, at tinulungan ang mga naapektuhan.
Agad na kinordon ang lugar, at mula noon ay inspeksyunin ng engineering team ng NNIC at nang kumpirmahin itong ligtas na ay agad na nagbalik normal na ang operasyon.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente.
