HINDI magbabago ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang Abril 16, ito ang pagtitiyak ng Department of Trade and Industry kasunod ng isang kasunduan sa mgamanufacturer sa ilalim ng programang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) ng gobyerno.
Sa isang press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer na si Claire Castro na nauna nang nakipagpulong ang DTI sa mga pangunahing manufacturer at nangakong panatilihing matatag ang mga presyo ng bilihin.
Ilalabas ng UPLIFT ang listahan ng mga produktong sakop ng kasunduan para sa impormasyon ng publiko.
“Nakausap po natin kahapon si Secretary Cris Roque, at nag-ulat po siya sa Pangulo ng UPLIFT,” sabi ni Castro.
“Nangako po ng mga manufacturers na hindi nga po magkakaroon ng pagtaas ng presyo hanggang Abril 16, 2026,” dagdag niya.
Sinabi ni Castro na nangako rin ang DTI na magsasagawa ng lingguhang pagsubaybay sa mga pangunahing presyo ng mga bilihin, na binanggit na si DTI Secretary Cristina Aldeguer-Roque ay nakatakdang makipagpulong muli sa mga manufacturer para matiyak ang katatagan ng presyo, partikular sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa tensyon sa Middle East.
“Nangako rin po si Secretary Cris Roque na weekly ay magmo-monitor po sila. At sa aking pagkakaalam, balak po niyang makipag-meeting muli ngayon sa mga manufacturers para hindi po tumaas ang presyo,” dagdag pa ni Castro .
Bagama’t hindi maiiwasan ang pandaigdigang pagtaas ng presyo ng petrolyo, tiniyak ni Castro na ang gobyerno ay nakatuon sa paggawa ng bawat kinakailangang hakbang upang mabawasan ang epekto sa mga mamimili.
“May mga pagkakataon po talaga na hindi natin kakayaning pigilan dahil sa nangyayaring sigalot sa Middle East. Pero lahat po ng puwedeng gawin ng ahensiya ng gobyerno ay gagawin po para hindi po mahirap na pasanin ito sa ating mga kababayan,” pagbibigay-diin ni Castro.
