ASAHAN na ang isang malakihang rollback sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo.
Nakatakdang bumaba ang presyo ng diesel ng higit sa PhP24 kada litro, habang ang gasolina naman ay PhP3.41, at kerosene ng Php2.00.
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na “may ginhawang parating.”Malinaw rin aniya na mas malaki nitong inaasahang rollback kaysa noong nakaraang Linggo.
Aniya, “Batid namin ang sitwasyon ng bawat Pilipino sa panahon na ito. Hindi tayo titigil, hindi tayo uurong, at hindi natin hahayaan ang ginhawang ito ay hindi po makarating sa taong-bayan” ani ni Pangulong Marcos sa isang video message.
Inutusan din ng Punong Ehekutibo ang mga kumpanya ng langis na ipatupad nang buo at walang pagkaantala ang mga bawas.
“At sa ating mga oil company, malinaw naman ang aking panawagan. Ipatupad ninyo ang rollback ng buo, tama, at walang pagkaantala. Ibigay ninyo sa taong-bayan ang dapat naman na nasa kanila,” dagdag pa ng pangulo.
Hinikayat ni Pangulong Marcos ang publiko na iulat ang anumang mga paglabag sa umiiral na mga regulasyon at tiniyak sa kanila ang mga agarang aksyon ng pamahalaan.
Samantala inanunsiyo rin ng pamahalaan na nagpapatuloy ang PhP10 na diskwento sa gasolina para sa mga pampublikong sasakyan, tulad ng mga bus at jeepney, gayundin ang service contracting program para sa mga PUV driver.
Sinabi ng Pangulo na sinimulan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng moratorium na tatlong buwang extension sa mga lisensya sa pagmamaneho, kabilang ang mga student at conductor permit, gayundin ang mga pagpaparehistro ng sasakyan na nakatakdang mag-expire ngayong buwan, bilang bahagi ng relief measures ng gobyerno.
