NAKABALIK na sa Pilipinas ang 11 overseas Filipino workers mula Kuwait sa ilalim ng patuloy na repatriation program ng pamahalaan para sa mga kababayang naapektuhan ng kaguluhan sa Middle East.
Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City noong gabi ng Mayo 22, 2026, sakay ng Etihad Airways commercial flight ang mga OFWs.
Agad silang sinalubong at inasistehan ng mga kinatawan ng Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration, at Manila International Airport Authority Medical Team.
Nabigyan sila ng tulong pinansyal, pagkain, serbisyong medikal, psychosocial support, pansamantalang matutuluyan, transportation assistance, at iba pang suporta upang matulungan silang makauwi sa kani-kanilang pamilya at makapagsimula muli.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DMW sa iba’t ibang ahensya upang palakasin ang post-repatriation assistance para sa mga umuwing OFWs.
Kabilang dito ang profiling, skills assessment, job matching, livelihood assistance, at National Reintegration Network Job Fairs sa iba’t ibang probinsya.
Sa bawat pag-uwi ng ating mga kababayan, layon ng pamahalaan na matiyak hindi lamang ang kanilang ligtas na pagbabalik, kundi pati ang kanilang pagbangon at panibagong simula kasama ang kanilang pamilya.
