ISANG 24-anyos na babaeng political vlogger ang nasawi noong Biyernes ng madaling araw habang sugatan ang kanyang ka-live-in sa isang pamamaril sa Caloocan.
Kinilala ang nasawing si Alicia Lipata, o kilala rin bilang Mima Alicia, habang ang sugatan ay ang kanyang ka-live-in na kinilalang si Nelboy Lluz, 24.
Si Mima Alicia ay binawian ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan. Nagtamo rin ng mga tama ng bala ang kanyang ka-live-in.
Nangyari ang pamamaril sa kanilang inuupahang bahay sa Blk. 3 Lot 18B Tierra Nova Subdivision Main, Bgy. 171, Caloocan City pasado alas-3 ng madaling araw noong Biyernes.
Base sa ulat ng pulisya, kakarating lang ng “mag-asawa” sa kanilang bahay nang biglang sumulpot ang dalawang lalaking nakasakay sa riding-in-tandem at paulit-ulit na binaril ang dalawa bago tumakas.
Agad na nagising ang mga kapitbahay na naalerto sa mga putok ng baril at natagpuan ang mga biktima na duguan at nakahandusay sa kalsada.
Idineklarang dead on the spot ang babaeng vlogger habang isinugod sa ospital ang kanyang ka-live-in para gamutin.
Bumuo ang Northern Police District (NPD) ng isang Special Investigation Task Group na “MIMA” upang magsagawa ng isang masusing imbestigasyon sa pagpatay.
Sinusuri rin ng pulisya ang mga kuha ng closed-circuit television sa lugar upang makatulong sa pagkilala at pagtugis sa mga salarin.
Si Mima Alicia ay kaugnay ng United Vloggers and Influencers of the Philippines at isang masugid na tagasuporta ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
