SUBIC, Zambales – Hindi dapat sisihin ang LGU Subic, ang may-ari ng lupa, at ang Ayta Ambala Council sa paggamit ng dating pansamantalang dumpsite sa Sitio Tibag, Brgy. Naugsol noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sa assessment report ng National Institute for Transparency and Accountability (NITA), sinabi ni Executive Director Carlos Ayala na pansamantalang hakbang lamang ito upang matiyak ang tuloy-tuloy na koleksyon ng basura at maiwasan ang mas malaking banta sa kalusugan ng publiko habang limitado ang operasyon noong pandemya.
Ayon sa NITA, ginamit ang lugar sa pahintulot ng landowner na si Jose Tenoria at ng Ayta Ambala Council sa pangunguna ni Tribal Chieftain Francis Santos. Noong 2022, itinigil na ng LGU Subic ang paggamit sa lugar matapos makakuha ng access sa ibang waste disposal facility sa Pampanga.
Sa inspeksiyon ng NITA, wala nang palatandaan na aktibong dumpsite ang lugar. Kalat-kalat na lamang ang natitirang basura, na posibleng naikalat ng mga bagyo, at wala ring naitalang malawakang problemang pangkalusugan na direktang iniuugnay rito.
Inirekomenda ng NITA ang inventory ng natitirang basura, pagsusuri sa lupa at tubig, paghahanda ng closure at rehabilitation plan, at tuloy-tuloy na environmental monitoring.
Nilinaw ng NITA na ang kanilang ulat ay nakabatay sa visual inspection, panayam at konsultasyon lamang at hindi kapalit ng scientific environmental investigation o anumang magiging desisyon ng mga kinauukulang ahensiya o ng korte.
