TARGET ng administrasyong Marcos na makumpleto bago matapos ang 2027 ang pagpapalawak ng PFDA-Bulan Fish Port Complex (BFPC) upang mapalakas ang industriya ng pangisdaan, mabawasan ang pag-aaksaya ng huling isda, at madagdagan ang kita ng mga mangingisda.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., naglaan na ang Department of Agriculture ng P150 milyon para sa unang yugto ng proyekto, habang tinatayang P650 milyon pa ang kakailanganin para sa kabuuang pagpapalawak.
Kapag natapos, magkakaroon ang fish port ng cold storage, blast freezers, ice facilities, smokehouses, fish-drying areas, at mas malaking pantalan para sa mas maraming fishing vessel. Kasama rin sa proyekto ang P96.7-milyong ice plant na kayang gumawa ng 1,200 bloke ng yelo bawat araw upang mapanatiling sariwa ang mga huling isda at mabawasan ang post-harvest losses.
Ayon sa PFDA, inaasahang lilikha ang proyekto ng mas maraming trabaho, magpapalakas sa food security, at magpapataas ng kita ng mga mangingisda sa Southern Luzon.
