NASAMSAM ng Criminal Investigation and Detection Group CIDG at mga katuwang na ahensya ang tinatayang ₱2.5 milyong halaga ng mga walang label, hindi rehistrado, at umano’y hinaluang mantika sa isang operasyon sa Brgy. Cupang, Bauan, Batangas noong Hulyo 24.
Naaresto ang suspek na kinilalang alyas “Gel,” 35, na umano’y nagbebenta ng mga naturang produkto sa isang pasilidad na wala ring balidong License to Operate (LTO) mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Kabilang sa mga nakumpiska ang mga bote ng mantika, tangke ng imbakan, filling machine, timbangan, at isang Isuzu Elf truck na ginagamit sa pagdadala ng mantika.
Ayon sa CIDG, mahaharap sa paglabag sa Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009, na nagbabawal sa paggawa, pagbebenta, at pamamahagi ng mga produktong pagkain na walang rehistro at awtorisasyon mula sa FDA.
Nagbabala ang CIDG na ang mga hindi rehistradong mantika ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at hinikayat ang publiko na bumili lamang ng mga produktong may label at FDA Registration Number, at agad iulat ang mga nagbebenta ng kahina-hinalang produkto.
