APAT na indibidwal ang nahatulang guilty sa dalawang magkahiwalay na kasong may kinalaman sa smuggling, ayon sa Bureau of Customs (BOC).
Sa unang kaso, hinatulan ng Manila Regional Trial Court ang isang importer matapos mahulihan ng 1,599 karton ng sigarilyo na itinago sa loob ng dalawang 40-foot container mula China na idineklarang plastic products. Dahil dito, pinatawan siya ng 12 taon at isang araw hanggang 15 taon at isang araw na pagkakakulong sa bawat bilang ng kaso.
Sa ikalawang kaso, nahatulan naman ang presidente, bise presidente, at corporate secretary ng ADNFinest Marketing Corporation dahil sa ilegal na pagpasok ng mga sasakyan mula Dubai. Sa inspeksiyon ng BOC, nadiskubre ang hindi idineklarang 2020 Chevrolet Camaro ZL1 at 98 used tires, bukod sa dalawang sasakyang nakasaad sa dokumento. Wala rin umanong permit ang kumpanya para mag-import ng mga sasakyan. Bawat isa sa kanila ay sinentensiyahan ng anim na taon at isang araw hanggang 10 taon at isang araw na pagkakakulong.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, malinaw ang mensahe ng mga hatol na may kaparusahan ang smuggling at pananagutin ang mga lumalabag sa batas upang maprotektahan ang lehitimong negosyo at patas na kalakalan.
Nagpasalamat din si Nepomuceno sa BOC Legal Service at Department of Justice (DOJ) sa matagumpay na pag-usig sa mga kaso bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling.
