KARUMAL-DUMAL ang sinapit ng isang babae matapos matagpuang wala nang buhay sa loob ng isang maleta na itinapon sa estero sa Barangay Tanyag, Taguig City nitong Biyernes.
Ayon sa imbestigasyon, naglilinis ng estero ang ilang manggagawa nang mapansin nila ang isang malaking bagay na nakabalot sa itim na garbage bag na bumabara sa daluyan ng tubig. Dahil sa matinding baho na nagmumula rito, kanilang sinuri ang laman ng bag.
Tumambad ang isang asul na maleta at nang ito’y buksan, bumulaga ang bangkay ng isang babae na nakabalot pa sa isa pang garbage bag at sako.
Agad na humingi ng tulong ang mga manggagawa sa pulisya.
Tinatayang 46-anyos ang biktima at iniulat na isa umanong police asset. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa krimen.
