MAHIGIT ₱14 milyong halaga ng hinihinalang kontrabandong sigarilyo ang nasabat ng Philippine National Police (PNP), katuwang ang Bureau of Customs, sa isinagawang anti-smuggling operation sa Barangay Campo Islam, Zamboanga City, madaling-araw ng Hulyo 26.
Ayon sa PNP, inabandona ng mga suspek ang delivery van na may kargang 61 master cases at 715 reams ng iba’t ibang sigarilyo.
Nang mapansing papalapit na ang mga awtoridad mabilis na tumakas ang mga suspek at iniwan ang mga kargamento.
Umabot sa ₱14,081,100 ang tinatayang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo.
Matapos maimbentaryo sa harap ng mga opisyal ng barangay, agad na isinailalim sa kustodiya ng Bureau of Customs.
Pinuri ni PNP chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang magkatuwang na operasyon ng mga awtoridad at iginiit na magpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng tangkang pagpupuslit ng kontrabando.
